Boac LGU, namahagi ng solar lights

BOAC, Marinduque — Namahagi ng solar lights ang Lokal na Pamahalaan ng Boac sa mga residente ng Barangay Pawa at Tabigue, kamakailan.

Sa Barangay Tabigue ay 15 indibidwal ang nabigyan habang 46 katao naman ang nakatanggap sa Barangay Pawa.

Ayon kay Mayor Armi Carrion, prayoridad ng pamahalaang bayan na mapagkalooban ng nasabing solar lights ang mga mamamayan na hindi naseserbisyuhan ng kuryente.

“Nawa ay makatulong ang mga solar light na ito na mabigyang liwanag ang inyong mga tahanan,” ani Carrion.

Ipinaliwanag naman ni Rogelio Onte Jr., officer-in-charge ng Boac Municipal Disaster and Risk Reduction Management Office ang tamang paggamit ng mga solar light para humaba ang ‘lifespan’ ng mga ito ng sa gayon ay lubos na mapakinabangan.

Ang ipinamahaging mga solar light ay kaloob sa Boac LGU ng IKEA Philippines sa tulong ng Liter of Lights, isang pandaigdigang organisasyon na nakatuon sa pagbibigay ng abot-kayang solar light sa mga indibidwal na may limitado o walang access sa kuryente. — Marinduquenews.com

Related posts