Mga magsasaka sa Marinduque, tumanggap ng fertilizer voucher

Pamahahagi ng fertilizer voucher discount sa mga benepisyaryo sa bayan ng Buenavista. (Larawan mula sa Provincial Agriculture Office)

BOAC, Marinduque — Tumanggap ng fertilizer voucher discount (FDV) mula sa Department of Agriculture (DA) ang nasa 1,681 na mga magsasaka sa lalawigan ng Marinduque.

Base sa datus ng DA-Agricultural Program Coordinating Office (APCO), 325 na mga benepisyaryo ang nabigyan sa Boac, 34 sa Buenavista, 356 sa Gasan, 204 sa Mogpog, 484 sa Sta. Cruz habang 278 naman ang naipagkaloob sa mga magsasaka sa Torrijos.

Ayon kay Dr. Lucilla Vasquez, Agricultural Program Coordinator ng Kagawarang Pansaka sa Marinduque, umabot na sa humigit P2.2 milyon ang pondong naipamahagi ng kanilang tanggapan sa mga benepisyaryo.

“Ipagpatuloy ang pagtatanim, paunlarin ang inyong mga sakahan, panatilihin ang pangangalaga ng kapaligiran at laging gumamit ng de kalidad na binhi,” paalala ani Vasquez.

Ang FVD ay isang programa ng DA sa ilalim ng National Rice Program-Fertilizer Discount Vouchers Support (NRP-FDVS) na naglalayong matulungan na mabawasan ang gastusin at para maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng abono sa kabuhayan ng mga magsasakang-benepisyaryo. — Marinduquenews.com

Related posts