Radyo Kamalindig, patuloy na naglilingkod sa mga Marinduqueno

Ang Radyo Kamalindig na may call sign na DZNS-FM 94.1 ay proyektong handog ng National Nutrition Council para sa mamamayan ng Buenavista, Marinduque sa ilalim ng Nutriskwela Community Radio Network Program Phase IV na may hanggaring makatulong sa pagpapalaganap ng mga kaalaman tungkol sa wastong nutrisyon at kalusugan.

Ito ay napakikinggan sa buong bayan ng Buenavista at maging sa kalapit na bayan at piling barangay ng Torrijos at Gasan.

Nag umpisa ang regular airing ng mga programa noong Marso 19, 2015 sa pamamagitan ng mga trained CRC o Community Radio Council members. Ang kanilang pagsasanay ay naisagawa sa pamamagitan ni Jovita B. Raval, Chief Nutrition Information and Education Division ng NNC, Department of Health at ilang batikang radio announcers sa pamamatnubay ni Assistant Secretary of Health Maria Bernardita T. Flores, CESO II, Executive Director IV ng NNC-DOH.

Ang mga equipment ay libreng ipinagkaloob ng National Nutrition Council samantalang ang lugar at building ay counterpart ng municipal government sa pamamagitan ni Former Mayor Russel S. Madrigal at ng Sangguniang Bayan members na matatagpuan sa Buenavista Municipal Building Compound.

Ang payak na himpilang panghimpapawid ay patuloy na umuunlad sa suporta ng municipal government at private individual.

Radyo Kamalindig was established in 2015 by the National Nutrition Council in partnership with the Municipal Government of Buenavista under the Nutriskwela Community Radio Network Program Phase IV. The term “kamalindig” is derived from Mt. Malindig in Buenavista. The Community Radio Council adopted the term kamalindig to infer that the community is protecting the forest and its environment. (Photo of NNC)

Sa kasalukuyan, may air condition na ito at ilang dagdag na kagamitan upang higit na maging komportable at mapangalagaan ang mga equipment.

Ang Municipal Nutrition Committee ay nagkaroon din ng proyektong “Handog Komunikasyon Para sa Nutrisyon” na kung saan ay nagkaloob ng tig-isang radio para sa 22 Barangay Nutrition Scholar ng bayan ng Buenavista upang ang mga mamamayan lalo’t higit ang mga ina ay makapakinig ng programang pangnutrisyon at iba sa kani-kanilang barangay.

Ang mga radyo na ipinamahagi ay nasolicit ng NGO-MNC member sa mga taong nais sumuporta sa magandang layunin ng nutrition program.

Kaugnay nito nagkaroon ng pagtatapos ang unang batch ng paaralang panghimpapawid.

Ang community radio station na ito ay nagdulot ng kabutihan sa mga mamamayan lalo’t higit sa pagpukaw ng kaisipan at damdamin sa kahalagahan ng wastong nutrisyon at kalusugan mula sa mga paksang tinatalakay sa himpapawid. Makikita mo rin sa kanila ang malasakit sa programa na may buong pagmamalaki na ang bayan ng Buenavista ay mayroon ng ‘radio station’.

This story was first published on Marinduque Nutri-News in its December 2015 Edition.

Marinduque News

Related posts