61 mangingisda sa Santa Cruz, tumanggap ng bangkang de-motor

SANTA CRUZ, Marinduque — Umabot sa 61 na mga mangingisda sa bayan ng Santa Cruz ang tumanggap ng bangkang de-motor, kamakailan.

Ang pamamahagi ng mga motorized wooden fishing boat na isinagawa sa Matalaba Multi-Purpose Hall ay personal na pinangunahan ni Marinduque Rep. Lord Allan Jay Velasco kasama sina Mayor Marissa Martinez, DOLE-Mimaropa Regional Director Naomi Lyn Abellana at iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan.

“Malaking tulong sa ating mga kababayan ang mga bangkang de-motor na ito lalo na sa mga mangingisda na lubhang napinsala ng nagdaang Bagyong Paeng,” pahayag ni Cong. Velasco.

Ang naturang mga bangka ay pinondohan ng P6 milyon sa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE)-Integrated Livelihood Program (DILP) habang humigit P2 milyon naman ang pondong inilaan ng Marinduque Provincial Government para sa pagbili ng mga makina, timon, elisi at iba pang gamit para mapatakbo ang mga sasakyang pangpangisdaan.

Samantala, labis-labis ang pasasalamat ni Napoleon Castellar ng Barangay Tawiran sa natanggap na bangkang de-motor.

“Maraming maraming salamat po sa maagang pamasko na natanggap ko mula sa ating pamahalaan,” ani Castellar.

Una nang naipagkaloob ang humigit 139 na mga bangka sa mga benepisyaryong mangingisda sa bayan ng Buenavista, Boac, Gasan, Mogpog at Torrijos kung saan ay aabot sa 200 ang kabuuang bilang nito. — Marinduquenews.com

Related posts