Pagsasanay sa pagguhit, pagsasayaw tinututukan ng Book Nook Marinduque

MOGPOG, Marinduque — Kasabay ng pagdiriwang ng National Children’s Month ay inilunsad ang Hibla Local Filipina na kasalukuyang isinasagawa sa mga bayan ng Mogpog, Boac at Gasan.

Ang Hibla Local Filipina ay isang programa sa ilalim ng National Book Development Board (NBDB) na layong magbigay ng mga pagsasanay sa pagguhit, pagkukuwento, pagsasayaw, musika at dula sa buong bansa.

Kabilang sa mga nabigyan ng grant ng NBDB ay ang Book Nook Marinduque, isang reading at workshop center na matatagpuan sa Barangay Capayang, Mogpog.

Ayon kay Dr. Randy Nobleza, Book Nook Marinduque Area Coordinator, nagsimula na ang Hibla Local Filipina Workshops sa dalawang outreach sites sa Mogpog at Gasan.

Aniya, humigit 75 indibdwal ang lumahok mula sa mga paaralang elementarya ng Ino, Capayang at Laon, Mogpog kasabay ng Bognuyan, Mahunig-Banot at Gasan Central.

Nagkaroon din ng mga kalahok mula sa mataas na paaralan ng Bangbang, Mogpog National Comprehensive School, MSC Integrated School at Marinduque National High School Special Program in the Arts na sinamahan ng MSC Culture and Arts Education.

“Nakipag-ugnayan ang Book Nook Marinduque sa mga local cultural-educators at titser-iskolar, local artists at crafts-makers kagaya nina Sir Cassius Nitoral para sa drawing, Sir Randy Sales sa dance, Ka Oski Loreto sa music at songwriting, kasama rin si Maam Romilyn Brual para sa storytelling at retelling, Sir Carl Lagar at Sir Bryan Viray sa theater arts,” dagdag ni Nobleza.

Samantala, magpapatuloy ang workshop sa ilan pang mga partner institution hanggang Nobyembre 24 habang nakatakda namang ipresenta ang mga output sa Nobyembre 25 para sa pagdiriwang ng unang anibersaryo ng mga Book Nook sa buong bansa. — Marinduquenews.com

Related posts