Mga kababaihan sa Marinduque, tumanggap ng P5,000 loan assistance

BOAC, Marinduque — Muling namahagi ng P5,000 loan assistance sa nasa 115 na kababaihan ang Pamahalaang Panlalawigan ng Marinduque, kamakailan.

Ayon kay Provincial Administrator Vincent Michael Velasco, ang naturang mga benepisyaryo ay pawang mga miyembro ng 23 grupo na prayoridad na mabigyan ng Provincial Government of Marinduque-Livelihood Assistance Venture for Women o PGM-LAVW.

“Patuloy pong nagpupunyagi ang pamahalaang panlalawigan na mabigyan ng pondo ang mga kababaihan para matulungang maiangat ang kalidad ng kanilang pamumuhay,” pahayag ni Velasco.

Ang PGM-LAVW ay isang programa na binuo ng tanggapan ni Cong. Lord Allan Jay Velasco at ng Marinduque Provincial Government na naglalayong matulungan ang mga kababaihan na magkaroon ng panimulang puhunan o pandagdag sa mga negosyong kanilang inumpisahan.

Isa lamang aniya ang naturang programa sa patuloy na isinusulong ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Livelihood Manpower Development and Public Employment Service Office (LMD-PESO). — Marinduquenews.com

Related posts