Mga bata at magulang sa Boac, nakinabang sa libreng dental check-up

BOAC, Marinduque — Humigit 200 na mga kabataan kabilang ang mga magulang mula sa bayan ng Boac ang nakinabang sa isinagawang libreng dental check-up kasabay ng pagdiriwang ng National Oral Health Month.

Ang pagdiriwang na may temang, “A Healthy Mouth, a Healthy Body for a Healthy Mimaropa Community’ ay pinangunahan ng Philippine Dental Association (PDA)-Marinduque Chapter katuwang ang Department of Health (DOH), Pamahalaang Panlalawigan ng Marinduque at Boac Municipal Health Office.

Ayon kay Dr. Aristotle Montegrejo, pangulo ng Marinduque Dental Association, ang selebrasyon ay alinsunod sa Presidential Proclamation No. 559 series of 2004 kung saan ay idineklara ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang buwan ng Pebrero kada taon bilang National Dental Health Month.

Samantala, sa mensahe ni Dr. Maria Gracia Gabriel, Regional Oral Health Program Manager ng DOH-Mimaropa, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng pag-aalaga hindi lamang ng mga ngipin kundi ng iba pang parte ng bibig dahil lahat aniya ng dumaraan sa bibig ay nakaaapekto sa katawan ng tao.

“Alalahanin natin na ang pangangalaga ng ating mga ngipin ay isang responsibilidad. Kumain po tayo ng wastong pagkain at hangga’t maaari ay iwasan natin ang pagkain ng mga matatamis. Lahat po tayo ay maging responsable pagdating sa ating oral health,” pahayag ni Garcia.

Maging sa mga liblib at malalayong barangay ay inaasahang magpapatuloy ang oral health program ng pamahalaang panlalawigan at ng PDA-Marinduque sa tulong ng dalawang dental bus na kaloob ng DOH-Mimaropa. — Marinduquenews.com

Related posts