BUENAVISTA, Marinduque — Matagumpay na naisagawa ang unang pagpupulong hinggil sa Sustainable Livelihood Program (SLP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Bayan ng Buenavista, kamakailan.
Ang asembleya ay dinaluhan ng mga kwalipikadong benepisyaryo ng Listahanan at Pantawid Pamilyang Pilipino Program na hindi pa nakatatanggap ng anumang tulong-pangkabuhayan mula sa DSWD-SLP na pawang nagmula sa 10 prayoridad na barangay.
Kabilang sa mga barangay na nais pagtuunan ng pansin ng ahensya ay ang Bagacay, Bicas-Bicas, Bagtingon, Caigangan, Daykitin, Libas, Malbog, Sihi, Tungib-Lipata at Yook.
Layunin ng pagtitipon na mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga dumalo tungkol sa kahalagahan ng SLP at kung paano ito makatutulong para magkaroon ng matatag na kabuhayan ang mga benepisyaryo ng programa.
Kasamang tinalakay ang pagkakaroon ng Listahanan na tumutukoy sa datos ng mga maralitang indibidwal at Pantawid Pamilyang Pilipino Program na nagbibigay ng tulong pinansiyal upang makatulong sa kanilang pangangailangan.
Tinalakay rin ang mga batayan sa pagpili ng mga benepisyaryo at proseso na pagdaraanan sa implementasyon ng Sustainable Livelihood Program.
Ang SLP ay isang programa ng DSWD na naglalayong maitaas ang antas ng pamumuhay ng mga Pilipino sa pamamagitan ng mga tulong na may kaugnayan sa serbisyo na pagpapalakas ng kakayahan, kasanayan, at karanasan ng mga kalahok tungo sa mas kapaki-pakinabang na negosyo at trabaho.
Samantala, ang gawain ay pinangunahan nina Implementing Project Development Officers Angelica Rose M. Malitao at Kevin Louise R. Marciano katuwang sina Provincial Coordinator Andonis T. Analista at Project and Monitoring Evaluation Officer Pamela C. Ligas. — Marinduquenews.com