BOAC, Marinduque — Base sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang headline inflation o ang pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa Marinduque ay bumilis sa antas na 10.1 porsiyento nitong Pebrero 2023.
Sa pinakahuling datos na inilabas ng ahensiya, tumaas ng 0.8 porsiyento ang presyo ng mga pangunahing bilihin mula sa 9.2 porsiyento na naitala noong Enero.
Mula sa mga probinsya na bumubuo sa Rehiyon ng Mimaropa, ikalawa ang Marinduque sa nakapagtala ng pinakamataas na inflation rate nitong Pebrero 2023.
Ayon kay Chief Statistical Specialist Gemma N. Opis, ang mga pagkain at inuming hindi nakalalasing, mga kagamitan sa bahay at personal hygiene ang ilan sa mga dahilan ng paggalaw ng datos.
Dagdag pa ng hepe ng PSA-Marinduque, nagkaroon din ng pagtataas sa presyo ng kasuotan at sapatos na noong nakaraang buwan ay nasa 4.8 porsiyento lamang.
Samantala, ang Purchasing Power of Peso o PPP ng lalawigan ay nanatili sa P0.78 kumpara noong taong 2022 sa kaparehong buwan na nasa 0.86 bahagdan.
Ang PPP ay isang indicator na nagpapakita kung magkano ang halaga ng one peso ngayon kumpara noong base year na 2018. — Marinduquenews.com