Mga graduating SHS student ng ESTI, dumalo sa Legs program ng DOLE

BOAC, Marinduque — Umabot sa 240 na graduating senior high school (SHS) student mula sa Educational Systems Technological Institute (ESTI) ang dumalo sa Labor Education for Graduating Students (LEGS) na inorganisa ng Department of Labor and Employment (DOLE) Marinduque Provincial Office.

Kabilang sa mga kalahok ang mga mag-aaral mula sa Academic Track (Pre-Baccalaureate Maritime Specialization, General Academic Strand (GAS), Science, Technology, Engineering, and Mathematics (STEM), Accountacy, Business, and Mathematics (ABM)) at Technical-Vocational Livelihood Track (TVL-Maritime Specialization, Industrial Arts, at Home Economics).

Pangunahing layunin ng nasabing forum ay ang maihanda ang magsisipagtapos na mga mag-aaral sa kanilang pagpasok sa mga industriya at kumpanyang kanilang pinapangarap na pagtatrabahuhan kung saan ay natutunan din ng mga mag-aaral ang tungkol sa mga batayan ng kanilang mga karapatan bilang mga manggagawa sa hinaharap.

Ilan sa mga paksang tinalakay ay ang Employment Facilitation and Labor Market Situation in Marinduque, Preparing Jobseekers for the World of Work: Tips on Job Hunting and Resume Writing at Basics of Labor Standards na pinangunahan ni Senior Labor and Employment Officer Marjun Moreno.

Ayon kay Kate Ann Mapacpac, isa sa mga kalahok na kumukuha ng Home Economics, nagpapasalamat s’ya sapagkat natutunan n’ya kung paano gumawa ng tamang resume at ang mga dapat at hindi dapat ilagay sa curriculum vitae.

“Natutunan ko po sa seminar, na sa paghahanap ng trabaho, dapat maayos ang kasuutan at nalaman ko rin po kung paano ang tamang pagsagot sa interview. Pinag-iisipan ko na rin po ang kukunin kong kurso sa kolehiyo para mas makapaghanda ako sa aking magiging trabaho,” pahayag naman ng isa ring dumalo na si Jayvee Esplana, estudyante ng STEM.

Ang Labor Education for Graduating Students (LEGS) ay isang programa ng DOLE na nagsisilbing gabay para maihanda ang mga magtatapos na mag-aaral sa kanilang tatahaking karera. Nakatutulong din ito sa mga manggagawa sa hinaharap o future workforce para maging matalino at magkaroon ng angkop na pagpipilian sa mga nais nilang propesyun sa gitna ng pagbabago ng panahon. — Marinduquenews.com

Related posts