BUENAVISTA, Marinduque — Pormal ng binuksan ang Pasalubong Center sa Bayan ng Buenavista na matatagpuan sa harapang bahagi ng municipal covered court.
Si Fr. Sherwin Apostol ang namuno sa pagbabasbas habang pinangunahan ni Mayor Eduard Siena ang ribbon cutting ceremony katuwang si Konsehal Janmart Lacdao.
Ayon kay Siena, ang pagbubukas ng pasalubong center ay magbibigay ng panibagong oportunidad hindi lamang sa mga maliliit na negosyante bagkus ay pati na rin sa mga magsasaka kung saan ay magkakaroon ng pagkakataon na makilala ang kanilang mga lokal na gawang produkto.
Makabibili sa Buenavista Pasalubong Center ng mga pagkain kagaya ng atsara o papaya relish, pulut-pukyutan, patis at pure na bagoong kung saan ay kilala sa paggawa ng naturang mga produkto ang bayang ito.
Tampok din ang mga produkto mula sa iba pang mga bayan kagaya ng Arrowroot cookies, peanut butter at coco sugar. Mayroon ding mga souviner item tulad ng key chain, mga bag, lampshade at basket na pawang gawa sa nito.
Ipinaabot naman ng alkalde na bukas ang pasalubong center sa lahat ng mga nagnanais na maglagay ng kanilang mga lokal na produkto lalo na ang mga micro, small and medium enterprises. — Marinduquenews.com