BOAC, Marinduque (PIA) — Kasabay ng patuloy na pagsusulong ng ‘Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan’ o BIDA Pogram ng Deparment of the Interior and Local Goverment (DILG), inilunsad ng ahensya ang kauna-unahang biking activity sa Pilipinas na may temang “Padyak Kontra Droga, Bisikleta Iglesia: BIDA Bayanihan ng mga Mamamayan” kung saan ay inumpisahan ito sa lalawigan ng Marinduque.
Pinangunahan ni DILG Sec. Benjamin Abalos Jr. ang aktibidad na naglalayong paigtingin ang kampanya laban sa iligal na droga at hikayatin ang publiko sa tama at wastong pangangalaga ng katawan.
Sa mensaheng ibinahagi ni Abalos, sinabi nito na kailangan ang patuloy na pagkakaisa para labanan ang iligal na paggamit ng droga.
“Ipakikita natin na tayo ay nagkakaisang tumitindig kontra iligal na droga. Papadyak tayo bilang isang bayan, lalabanan natin ang iligal na droga para sa ating kabataan at sa susunod pang henerasyon,” saad ng Kalihim.
Kasama ni Abalos na nagbisikleta ang mga opisyal na kinabibilangan nina Lt. Gen. Rhodel Sermonia, OIC ng Office of the Deputy Chief for Administration ng Philippine National Police, DILG-Mimaropa Regional Director Karl Caesar Rimando, Gov. Presbitero Velasco Jr., Boac Mayor Armi Carrion ng Boac at Mogpog Mayor Augusto Leo Livelo.
Lumahok din ang higit 160 na mga siklista, mga kawani ng iba’t ibang ahensya at lokal na pamahalaan na bilang pakikiisa sa Semana Santa ay dumaan sa iba’t ibang simbahan tulad ng Immaculate Conception Cathedral, St. Raphael the Archangel Parish sa Cawit, Boac at St. Joseph Spouse of Mary Parish sa Bayan ng Gasan.
Unang inilunsad ang BIDA Program noong Oktubre 2022 na may layong tutukan ang pagbabawas ng demand sa droga gamit ang ‘grassroot approach’ upang himukin ang mga mamamayan na maging aktibong katuwang ng pamahalaan sa pagsugpo ng ipinagbabawal na gamot. –Marinduquenews.com