Bahay sa Buenavista, natumbahan ng Buli

BUENAVISTA, Marinduque — Isang bahay sa bayan ng Buenavista ang nasira matapos matumbahan ng puno ng Buli kaninang alas 3:00 ng madaling araw.

Ayon kay Rino Devillena, head ng Buenavista Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), mahimbing na natutulog ang pamilya Milaya ng biglang matumba ang nasabing puno sa kanilang tahanan sa Barangay Bicas-Bicas.

Wala namang nasaktan na miyembro ng pamilya nang mangyari ang insidente at tanging ang bubong lamang ng kanilang kusina ang natumbahan at nasira sa pagbagsak ng puno ng Buli. Agad ding isinagawa ang clearing operation sa lugar.

Samantala, nagpaalala si Devillena na agad ipagbigay alam sa kanilang opisina kapag may mga kahalintulad na pangyayari sa mga lugar o barangay na sakop ng kanilang bayan.

Aniya, makipag-ugnayan lamang sa mga numerong 0917-501-0085 (Globe) o 0946-407-2714 (Smart) kung saan ay bukas ang kanilang tanggapan 24/7. — Marinduquenews.com

Related posts