Mga health care worker sa Marinduque, lumahok sa pagsasanay ng DOH

BOAC, Marinduque — Aktibong nakilahok ang mga health care worker (HCW) mula sa lalawigan ng Marinduque sa katatapos lamang na Preparatory Workshop on Playbook Implementation na inorganisa ng Department of Health (DOH), kamakailan.

Ang nasabing pagsasanay ay isinagawa bilang paghahanda sa implementasyon ng Republic Act No. 11223 o ang Universal Healthcare Law na nilagdaan ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Kabilang sa tinalakay sa workshop ay ang Health Promotion Framework Strategy, Overview on Health Promotion Playbook Modules, Healthy Community Playbook Matrix at Playbook Roadmap.

Magsisilbi ang naturang mga aralin bilang gabay ng mga health care worker sa kani-kanilang mga pamayanan upang matutukan ang mga isyung pangkalusugan na nauugnay sa diyeta at ehersisyo, kalusugan ng kapaligiran, pagbabakuna, mga kaalaman tungkol sa droga, kalusugang pangkaisipan, sekswal at reproductive health, karahasan at pag-iwas sa anumang pinsala.

Nagkaroon din ng ‘Root Cause Analysis and Prioritization’ at ‘Work and Financial Planning’ para sa mga chairperson ng Komitiba ng Kalusugan sa Sangguniang Pambayan, kasama ang mga municipal health officer, at mga pampublikong nurse at midwife.

Ang naturang workshop ay ilan lamang sa mga gawaing nauugnay sa UHC Law na isinusulong sa bansa upang mapalakas ang pangkalusugang aspeto ng mamamayang Pilipino.

Layunin din nitong masiguro na mabigyan ng tamang karunungan at wastong kaalaman ang bawat indibidwal pagdating sa usaping pangkalusugan o health literacy na makatutugon sa mga pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan.

Kaakibat din ng programa ay ang pagkakaroon ng mga polisiya at resolusyong sumusuporta sa mga programang pangkalusugan at bilang tugon sa iba pang mga pananaliksik at pagpapaunlad na may kaugnayan sa pagpapalakas ng Health Promotion Framework Strategy. — Marinduquenews.com

Related posts