GASAN, Marinduque — Pasok at pasado na bilang Double A o ‘AA’ Category Slaughterhouse ang pampublikong katayan ng Gasan matapos igawad ng National Meat Inspection Service (NMIS) ang license-to-operate sa lokal na pamahalaan, kamakailan.
Ayon kay Melody Gabon, kinatawan ng NMIS-Regional Technical Operation Center (RTOC) sa Mimaropa, natugunan ng Gasan Municipal Slaughterhouse ang mga alituntunin sa tama at ligtas na pagkakatay ng mga pangkonsumong hayop base sa nasyunal na pamantayan.
Paliwanag pa ni Gabon, maaaring dalhin o ibenta saanmang pamilihang-bayan sa loob ng bansa ang mga karne na kinatay sa slaughterhouse na may AA classification.
Ang Gasan Municipal Slaughterhouse na matatagpuan sa Sitio Riverside, Barangay Tiguion ay isa sa dalawang pampublikong katayan sa buong Marinduque na nakakuha ng lisensya mula sa NMIS kung saan isa rito ay ang Santa Cruz Municipal Slaughterhouse.
Samantala, kinilala rin ng NMIS ang pagsisikap ng Pamahalaang Lokal ng Gasan na makapaghatid ng ligtas at masustansyang pankonsumong karne sa mga mamimili lalong lalo na sa kanilang mga residente.
Ang Republic Act No. 9296 o Philippines’ Meat Inspection Code ay nag-uutos sa mga local government units na tiyakin ang proteksyon ng kalusugan ng tao at hayop laban sa direkta at hindi direktang panganib, tulad ng zoonotic disease, meat-borne infection, at pagkalat ng mga sakit sa hayop. — Marinduquenews.com