Kaganhao-Banogbog farm-to-market road, sisimulan na

SANTA CRUZ, Marinduque — Nakatakda nang simulan ang pagsasaayos at rehabilitasyon ng Kaganhao-Banogbog Farm-to-Market Road (FMR) sa Bayan ng Santa Cruz, Marinduque matapos isagawa ang groundbreaking ceremony para sa nasabing proyekto, kamakailan.

Ayon kay Gov. Presbitero Velasco, Jr., napakahalaga na mayroong maayos at konkretong daan lalong lalo na sa mga bulubundukin at malalayong barangay kung saan kadalasang nagmumula ang mga produkto at ani ng mga magsasaka.

“Kailangang-kailangan po ng farm-to-market road ng isang probinsyang kagaya ng Marinduque dahil magbubukas ito ng oportunidad sa mga komunidad na mahirap puntahan dahil sa walang maayos na koneksyon ng kalsada,” ani Velasco.

Dagdag pa ng gobernador, kapag maganda ang daan at may iba’t ibang ruta, tiyak na mapabibilis ang pag-aangkat ng mga magsasaka sa kanilang aning mga produkto patungo sa merkado.

Sinabi rin ng punong lalawigan na dahil sa proyekto ay mabubuksan ang mga liblib na lugar sa Marinduque na posibleng ma-develop para maging isang tourism destination.

Ang Kaganhao-Banogbog Farm-to-Market Road na may habang 3.36 kilometro ay pinondohan nang halagang P104.35 milyon ng Department of Agriculture (DA) sa ilalim ng Philippine Rural Development Project (PRDP) habang naglaan din ang pamahalaang panlalawigan ng karampatang pondo para sa proyekto.

Sa mensahe ni Engr. Maria Christine Inting, OIC Regional Executive Director ng DA-Mimaropa, sinabi nito na isa sa mga naisin ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ay ang itaas ang produksyon ng mga panananim kagaya ng bigas, mais at livestock na sa pangkalahatan ay malaki ang epekto ng FMR sa paglago ng ekonomiya ng mga magsasaka at mangingisda.

Makatutulong ang naturang farm-to-market road sa may humigit 5,000 prodyuser at magtatanim ng niyog na naninirahan sa munisipalidad ng Santa Cruz lalo’t higit sa mga lugar na tinatawag na ‘Infrastructure’s Road Influence Area’. — Marinduquenews.com

Related posts