Harvest Festival isinagawa ng mga magsasaka sa Boac

BOAC, Marinduque — Matagumpay na isinagawa ng Samahan ng Nagkakaisang Magsasaka ng Duyay (SNMD) sa bayan ng Boac ang Harvest Festival sa tulong at gabay ng Department of Agrarian Reform (DAR)-Marinduque.

Layunin ng gawin na ipagdiwang ang masaganang ani na nakuha ng mga magsasaka buhat sa kanilang community demo farm na nabuo dahil sa Farm Business School (FBS) na proyekto at inumpisahan ng DAR noong 2021.

Ang FBS ay programa ng ahensya na pangunahing nakatuon para palakasin ang kakahayan at hasain ang kasanayan ng mga benepisyaryong magsasaka patungkol sa pagnenegosyo sa agrikultura upang higit na maparami ang produksyon at mapalaki ang kita sa pagsasaka.

Ngayong taon ay nakipagtuwang ang DAR-Marinduque sa East West Seed Philippines (EWSP), isang pribadong kumpanya na gumagawa ng mataas na kalidad ng mga buto ng gulay sa Asya kung saan isa sa mga napiling benepisyaryo ay ang SNMD.

Sa mensaheng ibinahagi ni Provincial Agriculturist Edilberto de Luna, binigyang-diin niya ang kahalagahan nang pagkakaroon ng bagong kaalaman sa pagsasaka kung saan ay kanya ring hinamon ang mga magsasaka na maging masigasig lalo na sa pagpapalago ng sistema ng produksyon, kalidad at presyo ng kanilang mga ani.

Nagpasalamat naman si Melanie Cruz ng EWSP sa pagkakataong masaksihan ang harvest festival sapagkat nagbigay ito ng oportunidad para maipakilala ang mga bagong teknolohiya at iba’t ibang uri ng binhi na gawa ng kanilang kumpanya gayundin upang personal na pasalamatan at pahalagahan ang kontribusyon ng sektor ng magsasaka.

Sa pagtatapos ng aktibidad ay inilahad ni OIC Provincial Agrarian Reform Program Officer Virgilio Laggui ang gampanin ng DAR na patuloy na nakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya at organisasyon para matugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka habang hiniling din na Laggui sa mga benepisyaryo na huwag hihinto sa pagsasaka bagkus ay lalo pa itong pagyabungin. — Marinduquenews.com

Related posts