Mga obra ni Anto Monteagudo, tampok sa Boac art exhibit

BOAC, Marinduque — Umabot sa 26 na obra ni Antonio Monteagudo ang ibinida ng lokal na pamahalaan ng Boac sa ginanap na art exhibit na pinamagatang ‘Tuldok; Kuwit ang mga Obra ni Anto’.

Si Monteagudo, kilala sa tawag na Anto ay tubong Boac, Marinduque. Nagtapos ng Fine Arts sa Unibersidad ng Sto. Tomas at nakapagbigay ng kanyang kontribusyon sa turismo sa probinsya kabilang ang pagdisenyo ng selyo ng Marinduque, Mimaropa, Labanan sa Paye, Pulang Lupa at iba pa.

Itinampok sa ginanap na exhibit ang mga likha na may kaugnayan sa panahon ng kwaresma. Ilan sa mga ito ay ang mga mukha ng moryon na may iba’t ibang disenyo ng tulad ng sa Romano at ang tradisyunal na disenyo ng maskara na may bulaklak sa ulo.

Lubos na nagpasalamat si Mayor Armi Carrion dahil sa pambihirang talento at mga likha ni Monteagudo na tunay na sumasalamin sa angking galing at pagiging malikhain ng mga Boakeno.

Hinikayat naman ni Vice Mayor Mark Anthony Seno ang mga kabataang Boakeno na gamitin ang pagpipinta sa pagpapahayag ng damdamin.

“Magsilbi nawa itong inspirasyon sa ating mga kabataang Boakeño upang maipamalas nila ang kanilang damdamin at talento sa pamamagitan ng pagguhit at pag pinta,” saad ni Seno.

Sa kasalukuyan ay ito na ang pangatlong art exhibit ni Monteagudo na susundan ng pagtatampok sa Marinduque-Romblon Area Museum. — Marinduquenews.com

Related posts