Magna Carta para sa mga PWD sa Mogpog, tinalakay sa oryentasyon

MOGPOG, Marinduque (PIA) — Matagumpay na isinagawa ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) sa bayan ng Mogpog ang oryentasyon tungkol sa Republic Act No. 7277 o ang Magna Carta for Disabled Persons.

Nakapaloob sa RA No. 7277 na dapat ay magkaroon ng pantay at parehong karapatan sa lipunan katulad ng sa normal na indibidwal ang isang taong may kapansanan. Kailangan din silang mamuhay ng malaya at nakapag-iisa hanggat maaari. Pinalalakas din ng batas na ito ang pagpapaunlad, rehabilitasyon at pagtataguyod ng tiwala sa sarili nang mga PWD.

Dumalo sa naturang gawain ang mga pangulo at kalihim ng Person-with-Disabilities Affairs Office (PDAO) ng bawat barangay kabilang si Lara Catherine Tiglao, registered social worker (RSW) ng MSWDO at Mayor Augusto Leo Livelo na nagbigay ng mensahe hinggil sa wastong karapatan ng mga taong may kapansanan.

“Ang mga katulad ninyong PWD ay mahalaga sa ating lipunan na dapat mabigyan ng trabaho base sa inyong kakayahan dahil higit pa ang dedikasyon ng mga katulad ninyo kapag nabigyan ng pagkakataong makapagtrabaho. Hindi po nagdalawang isip ang Mogpog LGU na tumanggap ng mga PWD upang maging kawani ng lokal na pamahalaan,” pahayag ng alkalde.

Pinasalamatan naman ni Tiglao ang mga nakiisa partikular ang mga PWD na naglaan ng oras at aktibong nakilahok sa nasabing oryentasyon kung saan ay tiniyak n’ya na mapakikinabangan ng mga PWD ang mga programa at proyektong inilaan ng munisipalidad ng Mogpog.

Umaasa rin ang social worker na gagamitin ng bawat PWD ang mga impormasyon at karapatang natutunan sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.

Sa kasalukuyan ang lokal na pamahalaan ng Mogpog ay may naitalang 1,265 na PWD mula sa kabuuang populasyon na 34,165. — Marinduquenews.com

Related posts