820 residente ng Tambunan, Tumagabok at Sabong rehistrado na sa PhilSys

BOAC, Marinduque — Nairehistro na ng mga kawani ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa Philippine Identification System o PhilSys ang nasa 820 na mga residente ng tatlong malalayo at bulubunduking barangay ng Tambunan, Tumagabok at Sabong sa Bayan ng Boac, Marinduque.

Ayon kay Gemma Opis, Chief Statistical Specialist ng PSA-Marinduque, sa kabila ng mga hamon sa transportasyon, paglilipat ng mga registration kit mula sa isang barangay patungo sa isa pang malayong komunidad at kawalan ng maayos na internet signal ay matagumpay na naisakatuparan ang kanilang programa.

Sa Barangay Sabong ay umabot sa 176 na residente ang nakapagparehistro sa PhilSys, 404 sa Barangay Tambunan habang 240 registrants naman ang nagmula sa Barangay Tumagabok.

Mula sa 61 barangay sa bayan ng Boac ay 57 na ang napuntahan ng mga opisyal ng PSA-Marinduque samantalang ang apat na natitira kabilang ang Bayuti, Binunga, Boi at Canat ay nakatakda namang bisitahin sa mga sumusunod na araw.

Patuloy ring nananawagan at umaapela ang ahensya sa mga mamamayang hindi pa nakapagpapatala na magtungo na at magparehistro sa pinakamalapit na Philippine System Registration Center.

Kung may katanungan naman o kailangan ng karagdagang paglilinaw, mangyaring makipag-ugnayan sa mga numerong (042) 332-0848 at (042) 754-0024 o kaya ay magpadala ng email sa marinduque@psa.gov.ph.

Alinsunod sa Republic Act No. 11055 o mas kilala bilang Philippine Identification System Act, nais ng pamahalaan na magtatag ng isang pambansang sistema ng pagkakakilanlan para sa lahat ng mamamayan at residenteng dayuhan ng Republika ng Pilipinas. — Marinduquenews.com

Related posts