SANTA CRUZ, Marinduque — Dumalo sa dalawang araw na pagsasanay sa paggawa ng lambat ang nasa 20 kababaihan mula sa Barangay Kamandugan, Bayan ng Santa Cruz, Marinduque.
Ayon kay Mayor Marisa Red-Martinez, nais n’yang mabigyan ng trabaho ang mga kababaihan na karamihan ay asawa ng mga mangingisda sa naturang barangay nang gayon ay magkaroon ng dagdag-kita ang mga ito.
Hangad din ng Lokal na Pamahalaan ng Santa Cruz na kada isang barangay sa kanilang munisipalidad ay makalikha ng isang produkto para hindi na umangkat pa sa ibang lugar.
“Naniniwala po ako na kaya nating makapag-produce ng mga kagamitang kagaya ng lambat na pangunahing kailangan ng ating mga kababayan sa pangingisda. Sa ganitong paraan ay hindi na po tayo bibili ng lambat sa ibang bayan dahil tayo na mismo ang gagawa ng mga ito,” pahayag ni Martinez.
Dagdag ng alkalde na patuloy s’yang makikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan kagaya ng Department of Labor and Employment, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, at Department of Trade and Industry para mapondon ang naturang net mending project. — Marinduquenews.com