60 aplikante sa Marinduque, dumalo sa GIP hiring ng DOLE

BOAC, Marinduque — Humigit 60 aplikante mula sa iba’t ibang bayan ang nagsumite ng aplikasyon sa isinagawang hiring ng Department of Labor and Employment (DOLE)-Marinduque para sa Government Intership Program o GIP.

Ayon kay Philip Alano, provincial director ng DOLE-Marinduque karaniwan sa mga nag-apply ay mga bagong gradweyt ng kolehiyo na may mga kursong Social Work, Information Technology at Education.

Ipinaabot din ng panlalawigang direktor ang kanyang kagalakan sa mga aplikante at pinaalalahanan ang mga ito na tingnan ang programa bilang training ground sa kanilang tatahaking propesyon.

“Kasama ang mga tauhan ng DOLE ay nagsagawa tayo ng assessment at interview sa mga interesadong aplikante kung saan ay una ng ipinaalam sa kanila ang mga kinakailangang dokumento na dapat ihanda para maging kwalipikado sa programang ito,” pahayag ni Alano.

Naging katuwang naman ng ahensiya ang pamahalaang panlalawigan at ang tanggapan ni Congressman Lord Allan Jay Velasco sa pagsasagawa ng programa habang dumalo rin sa aktibidad ang mga kawani ng Livelihood and Manpower Development-Public Employment Service Office (LMD-PESO).

Ang GIP ay isang programa ng DOLE na naglalayong magbigay ng tatlo hanggang anim na buwang trabaho sa mga bagong nagsipagtapos sa kolehiyo, sekondarya, technical-vocational na nais ipagpatuloy ang karera sa gobyerno. — Marinduquenews.com

Related posts