DOST-Marinduque kinilala sa paglalagay ng Starbooks sa mga paaralan

BOAC, Marinduque — Kinilala ang Department of Science and Technology (DOST)-Marinduque sa 11th Starbooks Deployment Officer’s Assembly dahil sa pagkakaroon ng pinakamataas na porsiyento sa paglalagay ng kiosk station sa mga pampublikong paaralan sa lalawigan.

Ang Starbooks o Science and Technology Academic and Research-Based Openly-Operated Kiosk Stations ay proyekto ng DOST-Science and Technology Information Institute na naglalayong makapagbigay ng kaalaman tungkol sa agham at teknolohiya partikular sa mga mag-aaral sa lahat ng panig ng bansa.

Nilalaman ng Starbooks ang iba’t ibang digital na koleksyon na mga aralin at materyales hingil sa ‘science and technology’ na may iba’t ibang artikulo, libro, teksto, dokumentaryo, larawan, mga tala ng boses (audio recordings) at mga video na nakalagay sa espesyal na idinisenyong “mga pod”.

Sa mensahe ni Bernardo Caringal, provincial director ng DOST-Marinduque, binigyang halaga ang pagsisikap at kontribusyon ng mga stakeholder para maging matagumpay ang nasabing proyekto. Mithiin din aniya ng ahensya, na makapaglagay ng maraming Starbooks sa lahat ng pampublikong paaralan maging sa mga barangay hall at iba pang lugar-aralan.

“Ipinaabot ko ang masidhing pagpapahalaga sa mga nagsumikap at tumulong sa gawaing ito. Gayunpaman, hindi rito natatapos ang ating misyon na makapagbigay sa mga mag-aaral ng mapagkukunan ng kaalaman lalo na ang patungkol sa agham at teknolohiya. Kabilang sa aming plano ay ang paglalagay ng mas maraming Starbooks sa lahat ng natitirang pampublikong paaralan at maabot din ang mas maraming barangay hall at iba pang mga learning community sa hinaharap,” pahayag ni Caringal.

Taong 2020 nang pangunahan ng DOST-Mimaropa katuwang ang Department of Education (DepEd)-Marinduque, Marinduque State College (MSC) at pamahalaang panlalawigan ang ‘mass installation’ ng Starbooks sa mga pampublikong paaralan at barangay hall sa buong probinsya. — Marinduquenews.com

Related posts