MOGPOG, Marinduque — Nagsagawa ng sampling at testing sa mga ibinebentang iodized salt sa merkado ang Mogpog Rural Health Unit (RHU) katuwang ang Municipal Nutrition Office (MNO), kamakailan.
Ito ay bilang pakikiisa ng lokal na pamahalaan sa Goiter Awareness Program ng Department of Health (DOH) at National Nutrition Council (NNC) na may paksang ‘Goiter Sugpuin, Isip Patalinuhin, Iodized Salt Gamitin.’
Sa pangunguna nina Ma. Kristel Montegrejo, medical technologist at Robelia Nunez, assistant nutritionist dietician ng MNO ay sinuri kung ang mga restaurant o kainan gayundin ang mga kabahayan sa 37 barangay sa Mogpog ay gumagamit ng iodized salt sa pagluluto.
Ipinakita naman sa mga lumahok ang wastong paggamit ng WYD iodine checker machine, isang aparato na sumusukat sa antas ng iodine sa asin habang kasabay na ipinaalala sa mga partisipante na tingnang mabuti kung aprubado ng Food and Drug Administration (FDA) ang mga binibiling iodized salt sa mga tindahan at kung nakasusunod ang mga ito sa itinakdang pamantayan na required iodine content ng ahensya.
Ang iodine ay isang mahalagang micronutrient na nakatutulong sa pangkalahatang kalusugan ng thyroid at sinasabing may benepisyong dulot para sa mga buntis, sa utak o pag-iisip ng tao. Dahil din sa tamang iodine ay naiiwasan ang mga sakit kagaya ng goiter, pagkaduling at iba pa.
Base sa Republic Act No. 8172 o Asin Law, isinusulong ang paggamit ng iodized salt upang matugunan ang kakulangan ng micronutrients sa bansa. Inaatasan din ng gobyerno na iodized salt ang i-produce at ipamahagi ng mga kumpanyang gumagawa ng asin sa Pilipinas para makatulong sa pagsugpo ng dumaraming bilang ng mga Pilipinong may Iodine Deficiency Disorder. — Marinduquenews.com