GASAN, Marinduque — Nagsagawa ng pagsasanay hinggil sa broiler production o pag-aalaga ng 45 days na manok ang Provincial Agriculture Office (PAGRIO) sa bayan ng Gasan, Marinduque kamakailan.
Ayon kay Vanessa Tayaba, Municipal Agriculture Officer ng Gasan, umabot sa 41 indibidwal ang nakilahok sa nasabing gawain kung saan pinangunahan ito ng Livestock Team mula sa PAGRIO na sina Felimon Castro Jr. at Ambrocio Rea.
Pangunahing pakay ng aktibidad na maturuan ang mga kalahok sa tamang produksyon, pagpapalaki at pagpaparami ng mga ‘broiler chicken’ o iyong mga manok na inaalagaan para ibenta ang mga karne nito.
Tinalakay rin sa oryentasyon ang mga teknikal na detalye sa pagsisimula ng isang poultry farm at ang mga dapat isaalang-alang sa pagbili ng palalakihing sisiw para maging matagumpay ang uumpisahang negosyo.
Sa pamamagitan ng proyekto ay umaasa ang pamahalaang panlalawigan na madagdagan ang kita ng mga mamamayan at mapataas ang produksyon ng karne ng manok sa probinsya. — Marinduquenews.com