250 kalahok nakiisa sa ‘Lakad, Takbo, Laya, Batang Manggagawa’

BOAC, Marinduque — Sa pakikiisa sa World Day Against Child Labor, nagsagawa ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa pamamagitan ng Marinduque Provincial Office, ng isang makabuluhang aktibidad na tinawag na “Lakad, Takbo, Laya, Batang Manggagawa! — A Sunset Hydrocolor Fun Run-for-a-Cause” nitong Miyerkules, Oktubre 8 na nagsimula at nagtapos sa harapan ng DOLE Provincial Office sa Brgy. Tabi, Boac.

Sa mensahe ni DOLE Assistant Regional Director Dr. Emerito A. Narag, kanyang binigyang diin na ang naturang aktibidad ay naglalayong itaguyod ang kalusugan at kabuuang kagalingan, kasabay ng pagsusulong ng adbokasiya laban sa child labor sa ilalim ng Child Labor Prevention and Elimination Program.

Aniya, “Layunin din ng gawaing ito na makalikom ng pondo para sa mga profiled child laborers at kanilang mga pamilya upang mabigyan sila ng pagkakataong makapagsimula at makamit ang isang marangal na kinabukasan.”

Dumalo sa aktibidad ang mga kawani ng ahensya sa pangunguna ni Provincial Officer Marjun Moreno kung saan mahigit 250 kalahok mula sa iba’t ibang sektor at ahensya ang nakiisa sa fun run bilang suporta sa hangaring makabuo ng komunidad na marangal at walang batang manggagawa. — Marinduquenews.com

error: Content is protected !!