BOAC, Marinduque — Kalaboso ang tatlong illegal trader matapos maaktuhang nagbibiyahe ng mga baboy sakay ng bangka sa baybaying sakop ng Barangay Cawit, Boac, Lunes ng gabi, Hunyo 23.
Ayon kay Dr. Josue Victoria, provincial veterinarian ng Marinduque Provincial Veterinary Office, isang sumbong ang natanggap ng kanilang tanggapan tungkol sa ilegal na pagbibiyahe ng mga baboy mula sa nabanggit na barangay patungo sa hindi tinukoy na bayan sa lalawigan ng Oriental Mindoro. Agad na ikinasa ang entrapment operation na nagresulta sa pagkahuli ng mga suspek.
Dagdag ni Victoria, nasa 26 na baboy ang nakitang nagsisiksikan sa bangka at nasa kahabag-habag na kondisyon, isa rito ang patay na ng abutan ng apprehending team, habang mahina na ang iba at hindi maganda ang kondisyon.
Nasa pangangalaga ngayon ng Municipal Agriculture Office ang nasabing mga baboy habang hinihintay ang resulta ng test upang alamin kung ang mga ito ay infected ng African Swine Fever o ASF.
Samantala, ang mga illegal hog traders ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 8485 na inamyendahan sa bisa ng Republic Act No. 10631 o ang Animal Welfare Act kabilang ang kawalan ng veterinary health certificate, walang shipping permit mula sa Bureau of Animal Industry, hindi accredited ang transport vehicle at walang lisensya para sa pagnenegosyo ng mga buhay na hayop. — Marinduquenews.com