3 LGU sa Marinduque, pasok sa 2023 child-friendly local governance audit

TORRIJOS, Marinduque — Tatlong munisipalidad sa probinsya ng Marinduque ang napabilang sa 2023 Child-Friendly Local Governance Audit base sa inilabas na ulat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa rehiyon ng Mimaropa.

Kabilang sa pinarangalan ay ang mga bayan Boac, Buenavista at Torrijos kung saan mula sa 18 local government units (LGU) na nakapasa noong nakaraang taon, nadagdagan ito at tumaas sa bilang na 31 ngayong taon.

Ang naturang audit ay taunang pagsusuri ng DILG na naglalayong matukoy kung gaano ka epektibo ang bawat lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga programang tumutugon sa kaligtasan, kapakanan, at suporta para sa mga kabataan.

Matatandaan na noong Nobyembre 2024 ay kinilala rin ang bayan ng Torrijos bilang nag-iisang bayan sa Marinduque na nagkamit ng Seal of Good Local Governance (SGLG) para sa taong 2024.

Samantala, sa pamamagitan ng isang Facebook post ay nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat ang pamahalaan ng Torrijos sa mga lingkod-bayani na nasa likod ng tagumpay na ito. — Marinduquenews.com

error: Content is protected !!