GASAN, Marinduque — Apat na mangingisda ang naaresto sa isinagawang ‘joint maritime law enforcement operation’ sa karagatang sakop ng Gasan, sa probinsya ng Marinduque nitong Sabado, Hunyo 14.
Ang operasyon ay bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na pangingisda sa loob ng karagatang sakop ng Gasan kung saan nangyari ito sa tulong ng Coast Guard Sub-Station (CGSS) Gasan at ng Gasan Maritime Law Enforcement Team (MLET) ng Maritime Police Station (MARPSTA).
Ayon sa ulat, habang nagpapatrolya ang mga awtordidad ay namataan ang isang kahina-hinalang bankang de motor na kalauna’y nakilalang bangkang pangisda na Zion Ibrahim. Anila, nabigong magpakita ang mga sakay nito ng wastong ‘municipal fishing license at registration documents, na lumalabag sa Section 31 ng Gasan Municipal Ordinance No. 187, series of 2001.
Nakumpiska sa operasyon ang isang motorized fishing banca, mga kagamitan sa pangingisda, at ilang kilo ng iba’t ibang klase ng isda. Tinatayang aabot sa P200,500 ang kabuuang halaga ng mga nasamsam.
Ang nasabing operasyon ay patunay sa tuloy-tuloy na dedikasyon ng mga maritime enforcement agencies sa pangangalaga sa yamang-dagat ng bayan sa pamamagitan ng tamang pagpapatupad ng batas. — Marinduquenews.com