BOAC, Marinduque — Sa 32-pahinang desisyon na ipinahayag nitong Biyernes, October 3, inaprubahan ng Court of Appeals (CA) ang $100 milyon o nasa ₱5.8 bilyon na settlement aggreement sa pagitan ng pamahalaang panlalawigan ng Marinduque at ng Barrick Gold Corp., na siyang humalili sa dating shareholder ng Marcopper na Placer Dome, hudyat para tuluyan ng matapos ang halos 30 taong kaso hinggil sa pinsalang dulot ng Marcopper mining sa probinsya noong dekada ’90.
Ayon sa korte, panahon na upang “tapusin ang kasong ito” upang tuluyang makinabang ang mga taga-Marinduque na matagal nang nagdusa sa trahedyang dulot ng pagmimina.
“It is only but prudent for this Court to write finish to this case, for the people of Marinduque, long burdened by the tragedy, to finally partake of its benefits,” ani Associate Justice Jaime Fortunato Caringal sa naturang desisyon.
Isa sa Pinakamalalang Sakuna sa Kasaysayan ng Pagmimina
Ang Marcopper mining disaster ay itinuturing na isa sa pinakamalalang sakunang pangkapaligiran sa bansa. Noong 1996, bumigay ang tailings pit ng Marcopper Mining Corp., na nagdulot ng matinding kontaminasyon sa Boac River at sa mga karatig na komunidad.
Tinatayang 36 katao ang nasawi dahil sa heavy metal contamination, habang libo-libong residente ang naapektuhan ng polusyon sa tubig at lupang hindi na muling nabuhay.
Nilalaman ng Kasunduan
Batay sa settlement agreement, magbabayad ang Barrick Gold ng $100 milyon sa loob ng tatlong taon. Ang paunang bayad na $50 milyon na nakatengga sa escrow account, ay ilalabas sa loob ng limang araw matapos matanggap ng Barrick ang kopya ng desisyon ng CA at kumpirmasyon mula sa Department of Enviroment and Natural Resources (DENR) na wala na silang natitirang pananagutan sa ilalim ng mga umiiral na kautusan sa rehabilitasyon habang ang natitirang $50 milyon ay babayaran sa tatlong hulog — $17 milyon sa unang dalawang taon, at $16 milyon sa ikatlong taon.
Ang lahat ng pondo ay direktang ide-deposito sa treasury account ng pamahalaang panlalawigan ng Marinduque at gagamitin “para sa mga lehitimong proyekto at kapakinabangan ng lalawigan.”
Nakasaad din sa kasunduan na hindi maaaring gamitin ang pondo sa anumang gawaing may kinalaman sa katiwalian o korapsyon.
Kasaysayan ng Kaso
Nagsimula ang kaso noong 2011 sa pamamagitan ng writ of kalikasan na inihain nina Eliza Hernandez at Mamerto Lanete, upang pilitin ang kompanya na linisin at i-rehabilitate ang mga lugar na naapektuhan — kabilang ang Calancan Bay, Boac River, at Mogpog River.
Noong Marso 2011, naglabas ang Korte Suprema ng writ of kalikasan at inatasan ang CA na dinggin ang kaso. Subalit ilang taon ding naantala ang mga pagdinig habang isinasagawa ang negosasyon para sa amicable settlement.
Noong Abril 2025, tuluyang lumagda ang dalawang panig sa kasunduan. Sa ilalim nito, idineklara na ang Marcopper Mining Corp. lamang ang may pananagutan sa operasyon ng minahan — at hindi ang Placer Dome o Barrick Gold.
Ayon sa Batas
Matapos suriin ng korte ang lahat ng dokumento, idineklara nitong ang kasunduan ay “ayon sa batas at hindi salungat sa moralidad, mabuting kaugalian, kaayusan, at pampublikong polisiya.”
Sa wakas, matapos ang halos 30 taon ng paghihintay, nagkaroon ng pinal na resolusyon ang isa sa mga pinakamatagal na kasong pangkapaligiran sa kasaysayan ng bansa — at may pag-asang mabibigyan ng katarungan at kabayaran ang mga taga-Marinduque na matagal nang naghintay. — Marinduquenews.com