BOAC, Marinduque — Pormal nang ipinagkaloob ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) sa Pamahalaang Panlalawigan ng Marinduque ang bagong gawang ‘Integrated White Copra and Refined, Bleached, and Deodorized Cooking Oil Processing Center’ na matatagpuan sa Brgy. Pawa, bayan ng Boac.
Ang naturang pasilidad ay isa mga pangunahing proyekto sa ilalim ng Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP) na layuning iangat ang kalidad ng kopra at itaas ang antas ng kabuhayan ng mga magniniyog na siyang pangunahing benepisyaryo ng programa.
Dinisenyo ang gusali upang mapabuti ang paggawa ng puting kopra gamit ang makabago at mas mahusay na teknolohiya kung saan karaniwan, ang tradisyunal na paggawa ng kopra ay humahantong sa mababang kalidad at hindi masyadong kumikita sa merkado. Sa tulong ng makabagong proseso, maiiwasan ang mga problema sa lumang paraan ng pagpapatuyo, at masisiguro ang tuloy-tuloy na kalidad ng produkto.
Ngayong nasa pamamahala na ng probinsya ang pasilidad, inaasahang makatutulong ito ng malaki sa mga magniniyog sa Marinduque dahil hindi lamang tataas ang kalidad ng kanilang produkto bagkus pati na rin ang presyo at demand sa merkado lalo na sa mga premium buyers sa loob at labas ng lalawigan.
Tinitiyak din na mababawasan ang postharvest losses o pagkalugi, gayundin bibilis ang proseso na magreresulta sa mas malaking kita at pagiging epektibo ang kabuuang sistema.
“Maraming salamat po sa PhilMech, PCA, at sa lahat ng mga katuwang na ahensya na nagtulong-tulong upang maisakatuparan ang pagkakaroon ng makabagong White Copra Processing Facility na ito. Malaking tulong ito para sa ating mga coconut farmers upang magkaroon ng mas mataas na kita at mas magandang kalidad ng copra,” pasasalamat na wika ni Gov. Presbitero Velasco, Jr.
Ang CFIDP, na nakapaloob sa Republic Act No. 11524 o Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act ay patuloy sa pagpapatupad ng mga kahalintulad na proyekto sa iba’t ibang panig ng bansa. Patunay ang Marinduque White Copra Processing Center sa hangarin ng pamahalaan na gawing mas moderno, matatag, at farmer-centered ang industriya ng pagniniyog sa Pilipinas. — Marinduquenews.com