Bangkay ng lalaki, natagpuan sa Boac

BOAC, MARINDUQUE — Isang wala nang buhay na katawan ng lalaki ang natagpuan hapon ng Huwebes, Hulyo 3 sa Barangay Santol, Boac, Marinduque.

Ayon sa Boac Municipal Police Station (MPS), bandang alas-5:20 ng hapon, nagsasagawa ng regular na mobile patrolling ang kanilang himpilan sa kahabaan ng provincial road mula Brgy. Santol patungong Bangbangalon, nang personal silang lapitan ni Barangay Kagawad Gina Mantaring upang iulat ang natagpuang bangkay sa may damuhang bahagi ng Purok 2 ng nasabing barangay.

Sa paunang imbestigasyon, habang nagtitinda umano si Kagawad Mantaring ng barbecue sa harap ng kanyang bahay, isang concerned citizen ang lumapit sa kanya at nag-ulat ng pagkakatagpo ng isang bangkay malapit sa lugar. Ang biktima ay nakilalang si “Kaling,” isang lalaking tinatayang nasa 40 taong gulang.

Agad na rumesponde ang mga pulis upang beripikahin ang ulat at nagtungo sa pinangyarihan ng insidente.

Sa salaysay ng ilang mga residente, ang biktima ay taga Pampanga at hanapbuhay nito ang pagtitinda ng kutson at bangko. Pansamantala umano itong naninirahan sa naturang komunidad.

Umaga pa lamang ay nakita na umano itong nagpapasuray-suray habang naglalakad na tila nasa matinding impluwensya ng alak.

Nakipag-ugnayan na ang Boac MPS sa Marinduque Provincial Forensic Unit (PFU) para sa tulong ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), gayundin sa Rural Health Unit (RHU) upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay ng biktima. — Marinduquenews.com

error: Content is protected !!