MOGPOG, Marinduque — Nagbanggaan ang isang passenger vessel at isang fishing boat sa karagatang sakop ng Barangay Talao-Talao, Lucena City, bandang alas-7:00 ng umaga nitong Huwebes, Hulyo 3.
Ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG) bumangga ang MV Peñafrancia VI ng Starhorse Shipping Lines, na patungo sana sa Marinduque, sa Fishing Vessel (FV) Sr. Fernando II habang ito ay papasok sa Lucena Port mula Tayabas Bay. Naganap ang salpukan sa tapat ng breakwater ng daungan.
Agad na pinabalik sa Port of Talao-Talao ang MV Peñafrancia VI para sa inspeksyon at imbestigasyon. Samantala, ang 82 pasahero at 18 crew ng nasabing barko ay inilipat sa MV Peñafrancia IX para sa medical check-up at cargo assessment.
Ang FV Sr. Fernando II, na may 16 crew members, ay ligtas ding nakadaong sa PFDA Fishing Port matapos ang insidente.
Nagtamo ng pinsala ang unahang bahagi (bow) ng parehong sasakyang pandagat — partikular sa starboard bow at ramp ng MV Peñafrancia VI, at bow naman ng FV Sr. Fernando II. Gayunman, walang naitalang oil spill o below-waterline damage na maaaring magdulot ng panganib sa karagatan o sa mga sasakyan.
Ligtas at nasa maayos na kalagayan ang lahat ng crew at pasahero ng dalawang barko, batay sa isinagawang pagsusuri ng mga awtoridad.
Nagpahayag din ang PCG na nagkasundo na ang mga may-ari ng parehong barko na ayusin ang insidente sa matiwasay na paraan. Inaasahan ding magsusumite ang dalawang panig ng kanilang marine protest ngayong araw bilang bahagi ng imbestigasyon.
Patuloy ang koordinasyon ng Philippine Coast Guard upang tiyaking ligtas ang biyahe ng mga sasakyang-dagat sa nasabing lugar. — Marinduquenews.com