BOAC, Marinduque — “Maraming namamatay sa makupad na dagdag benepisyo!” Ito ang pahayag ni AGRI Party-list at Senatorial aspirant Manoy Wilbert Lee sa paghahain ng House Bill No. 11297 na layong amyendahan ang Republic Act No. 11223 o “Universal Health Care (UHC) Act” para taasan ang budget sa administrative costs ng Philippine Healthcare Insurance Corporation (PhilHealth) nang madagdagan ang actuary team at mga kawani nitong kailangan sa pagpapalawak ng mga benepisyo.
Ayon kay Lee, ang kasalukuyang bersyon ng UHC Law ay mas kumikiling sa koleksyon ng premium kaysa pagdaragdag ng mga benepisyo ng PhilHealth. Kailangan umanong balansehin ito para sa epektibo at sapat na healthcare coverage.
“Dapat busy ang PhilHealth sa pagdaragdag ng mga benepisyo at pagbabayad ng claims, hindi lang sa pagkolekta ng premium,” saad ni Lee na dumalo ngayong araw sa briefing ng House Committee on Good Government and Public Accountability.
Dagdag pa ng mambabatas, lumalabas na isang dahilan ng delayed payments at mabagal na pagtataas ng benepisyo ng PhilHealth ay ang kakulangan sa tao at actuary teams na sumisiyasat sa mga case rates.
“Isipin po ninyo, kung inaabot ng anim na buwan para maaral ang isang case rate, tapos 9,000 ang case rates, talagang aabutin nang siyam-siyam ang mga dagdag benepisyo kung iisa lang ang team na gumagawa nito,” wika ni Lee.
“Mahalaga na ma-review agad ang mga case rates para makasabay ito sa pangangailangan ng mga miyembro, lalo pa’t nagmamahal ang serbisyo dahil sa inflation. Di pwedeng makupad ang usad nito dahil hindi naman nakakapaghintay ang sakit at mababalewala ang mga dagdag na benepisyo kung hindi rin lang ito mararamdaman ng mga Pilipino,” dagdag pa niya.
Matatandaan na si Lee ang unang nag-expose noong Setyembre 2023 na may bilyon-bilyong pondo ang PhilHealth.
Sa pangangalampag ng mambabatas sa Department of Health (DOH) at PhilHealth para gamitin ang kalahating trilyong pisong “unused funds” nito, naipatupad ang mga dagdag benepisyo ng PhilHealth matapos ang mahigit isang dekada na hindi ito nasuri at na-adjust.
Kasama sa mga matagumpay na naipaglaban ni Lee para maisama sa pinalawak na benepisyo ng PhilHealth ang 30% benefit increase na ipinatupad noong Pebrero 2024, 50% bagong dagdag na benepisyo na sinimulan nitong Enero 2025, libreng check-up sa mata, pagpapagawa ng salamin at operasyon sa katarata, libreng dialysis, pinalawak na coverage sa pagpapagamot ng breast cancer, pinalawak na benepisyo sa pagpapagamot sa mga sakit sa puso at kidney transplant, implementasyon ng outpatient emergency care services, at iba pang bagong serbisyo.
Nauna nang naghain si Lee ng panukalang pag-amyenda sa UHC Law sa paghahain ng HB No. 10995 noong Oktubre 2024. Sa ilalim ng panukalang ito, inaatasan ang Health Technology Assessment (HTA) Council na suriin ang halagang sinasagot ng PhilHealth sa mga benefit package para masiguradong “up-to-date” ito sa pangangailangan ng mga Pilipino sa pagpapagamot.
“Napakaraming pera ng PhilHealth na dapat gamitin para sa mga serbisyong pangkalusugan. Kaya nga humantong sa zero subsidy ngayong 2025 dahil hindi nagamit ang bilyon-bilyong pondo nito para maipagkaloob ang mga benepisyong nararapat sa Pilipino,” saad ni Lee.
“Walang rason ang DOH at PhilHealth para maging mabagal sa pagpapatupad ng mga dagdag pang benepisyong pangkalusugan. Kung patuloy itong magiging makupad, marami pang Pilipino ang lalala ang sakit o mamamatay, dahil pipiliin na lang na maratay sa bahay o hihintayin na lang ang ‘oras’ nila, dahil mas natatakot sa mahal na gamot at pagpapagamot. Gamitin na agad ang pondo sa kalusugan hanggang sa maabot sa lalong madaling panahon ang libreng gamot at pagpapagamot!” dagdag ng mambabatas. — Marinduquenews.com