Boac LGU, muling ginawaran ng prov’l green banner seal of compliance award

BOAC, Marinduque — Ipinagmamalaki ng pamahalaang bayan ng Boac ang muling pagkamit ng Provincial Green Banner Seal of Compliance Award mula sa National Nutrition Council (NNC)-Mimaropa bilang pagkilala sa matagumpay at tuloy-tuloy na pagpapatupad ng mga programang pangnutrisyon sa loob ng tatlong magkakasunod na taon.

Ang prestihiyosong parangal ay patunay ng dedikasyon ng lokal na pamahalaan sa pagsusulong ng wastong nutrisyon at kalusugan ng bawat Boakeño.

Lubos ang pasasalamat ng pamahalaang bayan lalo’t higit ni Mayor Armi DC. Carrion sa lahat ng naging kabahagi ng naturang tagumpay — mula sa 61 barangay, mga barangay nutrition scholars (BNS) sa pamumuno ni Denia Lingon, mga barangay health workers (BHWs) sa pangunguna ni Arlyn Mandia, at mga child development workers (CDWs) sa pamumuno ni Marita Mandalihan.

Pinapurihan din ni Carrion ang aktibong pakikiisa ng mga partner agencies kabilang na ang mga civic society organization, mga department at section heads, at mga municipal nutrition committee members.

“Ang panibagong karangalang ito ay patunay ng pagkakaisa, malasakit, at pagtutulungan ng buong pamayanan ng Boac. Ang tagumpay na ito ay para sa inyo, mga Boakeño,” wika ng alkalde.

Ang Green Banner Seal of Compliance Award ay iginagawad sa mga local government unit (LGU) sa rehiyon na nakapagtamo ng pinakamababang kabuuang rating na 85 porsiyento sa Monitoring and Evaluation of Local Level Plan Implementation (MELLPI), at walang bahaging may rating na mas mababa sa 60 porsiyento sa alinman sa mga sumusunod na aspeto: vision at mission, mga patakaran at batas sa nutrisyon, pamamahala at istruktura ng organisasyon, mga gampanin ng local nutrition committee, mga interbensyon o serbisyong pangnutrisyon, at kalagayang pangnutrisyon ng mga batang preschool at elementarya. — Marinduquenews.com

error: Content is protected !!