Sinupalpal ni businesswoman at environmental advocate Christina ‘Ninay’ Festin-Tan si architect at provincial consultant Manuel ‘Lolong’ Rejano matapos kwestyunin ng huli ang 25 porsiyento na attorney’s fee na nakapaloob sa kasunduan at ang kredibilidad ng Marinduque Council for Environmental Concerns o Macec.
Sa isang Facebook post ni Rejano kamakailan na ngayon ay burado na pero agad na na-screenshot ng mga netizen ay mababasa ang mga sumusunod na pahayag.
“Ang punto de vista dito at questionable ay itong masyado mataas na service fee na 25% na sinisingil ng nakaraang administrasyon sa makukuhang kabayaran na 100 million dolyar! Ang detalye n’yan ay sila lang nakakaalam! Natural lang marami nagdududa hanggang hindi malinaw ang paglalatag n’yo kung saan o kani-kanino lang mapupunta! Alam po ng mas nakararaming taga Marinduque at hindi lang ng iilan lang na kasapi ng Macec, na ngayon ay malakas na ang boses nila magngangawa sa usapin ng kalikasan ang “body language” ng nakaraang administrasyon! Linawin muna natin itong 25% na sinasabi bago pa magkasisihan!”
Agad na bumuwelta si Festin-Tan at ipinagtanggol ang Macec na aniya simula ng mangyari ang Marcopper mining disaster ay s’ya ng nakipaglaban para makamit ang hustisya ng lalawigang halos pinadapa nang hindi makalilimutang trahedya sa kasaysayan ng pagmimina sa Pilipinas at Asya noong Marso 24, 1996.
“Wag n’yo siraan ang Macec dahil laang ‘di kayo sang-ayon sa desisyon ng kasapi nila na orihinal na nagkaso sa Marcopper. Alam n’yo baga na ilang abogado na ang nag-offer na mahawak ng kaso na mas mataas pa d’yan ang singil. Kilala n’yo si Skip Scott? Alam n’yo kung magkano inahingi nya? I research mo! Ang hirap sa iyo, ang hilig mo gumawa ng intriga,” wika ni Festin-Tan.
Dagdag pa ng environmental advocate, “Ngayon n’yo laang narinig ang Macec Marinduque? Eh nasaan kayo noong naharap sa korte ang mga biktima na nagkaso. Noong nagahanap sila ng matutuluyan sa Maynila para hanapin ang hustisya. Oo buong Marinduque ang apektado, pero iilan lang ang nag-file ng kaso at hindi kayo kasama doon. Wag kayo magmarunong!”
Pinatutsadahan din ni Festin-Tan si Rejano na aniya ay kaduda-duda ang pagkatao at intensyon dahil mali-mali ang impormasyong ipinakakalat sa publiko na posibleng magpahamak sa usapin ng kasunduan.
“Tutal sinimulan mo na po ang pagdududa. Akala n’yo magagawa n’yo sa Macec ang ginawa n’yo noong eleksyon. E ikaw sa totoo ang kaduda-duda. ‘Yang mga pinakalat mong mali na impormasyon ay posible pang makapagpahamak sa usapin ng settlement…Habang ikaw, wala ng ginawa kundi maghanap ng butas sa mga kapwa mo taga-Marinduque. Ang mga nagsampa ng kaso, ang simbahan at ang taumbayan, 30 years na patuloy na inaprotektahan ang isla sa mga ganid,” wika pa ni Festin-Tan.
Nag-ugat ang sagutan ni Festin-Tan at Rejano matapos manawagan ang mga miyembro ng Macec na tanggapin na ng pamahalaang panlalawigan ang $100 milyon settlement recovery fund na alok ng Barrick Gold Corporation — dating Placer Dome.
BASAHIN: Macec, nananawagan na tanggapin na ang $100 milyon
Una ng ipinaliwanag ni ex-vice governor Adelyn Angeles na ang 25 porsiyento para sa attorney’s o legal fees ay naaayon sa terms of reference na naaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan (SP) noon pang 2020 na sinusugan, muling pinagkasunduan at inaprubahan ng 16th SP.
Aniya, ilan sa mga kinonsidera ng mga kinauukulan sa pagdetermina kung magkano ang maaaring ibayad sa abogado ay ang mga sumusunod:
a) Contingency arrangement kung saan ang law firm ay kukunin sa pamamagitan ng “contingency basis”, ibig sabihin, ilalaban ng law firm ang kaso subalit babayaran lamang sakaling maipanalo ito at may recovery o mababayaran ang pamahalaang panlalawigan mula sa mga kinasuhan. Kung walang makukuhang recovery fund o kung matalo ang kaso, hindi babayaran ang mga abogado sa kanilang legal services kahit gaano pa katagal abutin ang kaso.
b) Mas mababa ang 25 porsiyento kumpara sa hinihingi na attorney’s fee ng dating American lawyer noong panahon ni dating gobernadora Carmencita Reyes na 40 porsiyento mula sa nasa $50 milyon lamang na recovery assistance.
c) Mas katanggap-tanggap din ang 25 porsiyento kumpara sa dating naging offer naman para sa isang kaso ng isang Canadian Law Firm na 25 porsiyento plus reimbursable expenses subalit hindi full contingency kaya kakailanganin pa rin ng pamahalaang panlalawigan na kumuha ng ‘third party funder’ na magsisilbing ‘financier’ para sa mga kinakailangan serbisyong legal. Ang usapan, sakaling may masingil, babayaran ang mga abogado, babayaran din ang ‘financier’.
d) Panghuli, kinonsidera rin ng mga namumuno noon na ang kukunin ay dapat batikang law firm na mayroon ding kakayahang gastusan ang sarili at kakailanganing expenses gaano man katagal abutin ang kaso.
Ang Seda Law Firm ang naatasan ng pamahalaang panlalawigan ng Marinduque sa pamamagitan ng resolusyong ipinasa ng Sangguniang Panlalawigan na hahawak sa mga kasong may kinalaman sa Marcopper mining disaster sa pakikipag-ugnayan sa Provincial Legal Office — isa na rito ay ang writ of kalikasan case na isinampa ng tatlong ordinaryong mamamayan sa Korte Suprema noong 2011 sa gabay ng Macec laban sa dating Placer Dome na ngayon ay Barick Gold Corporation na nagbibigay daan sa pinag-uusapang $100 milyon settlement agreement.
Matatandaan na nitong Oktubre 3 ay inaprubahan ng Court of Appeals ang $100 milyon settlement agreement na matapos suriin ng korte ay idineklarang naaayon sa batas at hindi salungat sa moralidad, mabuting kaugalian at pampublikong polisiya.
BASAHIN: ₱5.8-B settlement agreement sa pagitan ng Barrick at Marinduque, inaprubahan ng CA
Ang Marinduque Council for Environmental Concerns o Macec ay isang church-based non-government organization na nagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan at katarungang panlipunan sa lalawigan ng Marinduque na itinatag noong Hulyo 1996 bilang tugon sa trahedyang dulot ng Marcopper mining disaster, na labis na nakaapekto sa kapaligiran at kabuhayan ng mga mamamayan sa isla. — Marinduquenews.com