Estudyante, patay sa aksidente sa bisikleta sa Torrijos

TORRIJOS, Marinduque – Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang isang estudyante matapos ma-aksidente habang nagbibisikleta sa Sitio Bulihan, Barangay Dampulan, Torrijos, Marinduque.

Nakilala ang nasawi sa alyas na Apay, 15-taong gulang, Grade 9 student at residente ng naturang lugar.

Ayon kay Kapitan Epitacio Palermo, naganap ang aksidente bandang 11:30 ng umaga nitong Sabado, Enero 25 habang ang biktima ay nagbibisikleta sa palusong na bahagi ng sea wall nang biglang mawalan ng preno, dahilan upang mawala ang kontrol sa bisikleta at mahulog sa gilid ng bangin.

Ayon pa sa backrider na si Kent, nakita n’ya ang pagbagsak ng biktima na tumama ang ulo sa isang bato kaya agad s’yang humingi ng tulong kay Barangay Kagawad Jimmy Nares.

Mabilis namang rumesponde ang mga tauhan ng Torrijos Municipal Police Station kasama ang ambulansya ng Rural Health Unit (RHU) para isugod ang biktima sa Torrijos Municipal Hospital, ngunit idineklara siyang dead on arrival. Traumatic brain injury na dulot ng aksidente ang tinukoy na sanhi ng pagkamatay ng biktima.

Kasama ang mga kaibigan at kaklase, nagpaabot nang pakikiramay sa pamilya at mga mahal sa buhay ng biktima sa panahon ng kanilang pagdadalamhati ang buong Sangguniang Barangay ng Dampulan. — Marinduquenews.com

error: Content is protected !!