GASAN, Marinduque — Mahigit sa 80 mga persons with disability (PWDs) sa bayan ng Gasan ang nakatanggap ng ayuda mula sa lokal na pamahalaan ng Gasan.
Ang mga PWDs ay binigyan ng tulong pinansyal at grocery packs ng nasabing bayan kasabay ng pagdiriwang ng National Disability Prevention and Rehabilitation Week.
Ayon kay Mayor Rolando Tolentino, patuloy na nagsusumikap ang pamahalaang bayan na makapaghatid ng serbisyong nararapat para sa mga mamamayang may kapansanan habang pinuri rin ng punong bayan ang kanilang pagsisikap at determinasyon na mamuhay nang normal sa kabila ng kanilang mga kalagayan.
“Atin pong tinututukan ang mga PWDs na higit na nangangailangan ng kalinga kasabay ang pagpapaabot ng aking pasasalamat at paghanga na sa kabila ng kanilang kapansan ay patuloy na nagsusumikap upang magkaroon ng normal na buhay sa tulong na rin ng kanilang mga magulang at pamilya,” pahayag ng alkalde.
Kabilang sa mga ipinagkaloob ay food packs at educational assistance para sa 23 mag-aaral na may kapansanan, welfare goods para sa 30 mga bed-ridden kasama na ang 25 focal person na PWD’s.
Nagsagawa rin ng lecture si Jessa Napilot, Provincial Senior, PWD at LGBTQIA+ focal person, kung saan ay kanyang binigyang pansin ang paksa na “Person with Disabilities Accessibility and Rights: Towards a Sustainable Future where No One is Left Behind.” — Marinduquenews.com