Kauna-unahang ‘integrated school’ sa Marinduque binuksan sa Torrijos

TORRIJOS, Marinduque — Sa pagsisimula ng panuruan para sa taong 2025 ay pormal nang binuksan sa publiko ang kauna-unahang integrated school sa lalawigan ng Marinduque na binubuo ng elementarya at sekondarya.

Ito ay ang Buangan Integrated School (BIS) na dating Buangan Elementary School na matatagpuan sa Barangay Buangan, Torrijos, Marinduque.

Sa isinagawang flag raising ceremony nitong Lunes, Hunyo 16, sinabi ni Jaime Almonte, punong guro ng BIS na ang pagbubukas ng nasabing paaralan ay simbolo ng panibagong simula na puno ng pag-asa, pagkatuto, at pagkakaisa para sa mga mag-aaral at kabataan sa lugar.

Dumalo sa pagpapasinaya si Dr. Dingson De Sena, public schools district supervisor ng Distrito ng Torrijos kung saan ito ay nagbahagi ng mensahe at nanguna sa makasaysayang paglalagay ng pin na may logo ng BIS sa mga guro ng paaralan — tanda ng kanilang paninindigan sa serbisyo at kahusayan.

Nilagyan din ng mga ‘class adviser’ nang pin ang mga mag-aaral — simbolo ng mainit na pagtanggap sa lahat ng mga estudyante, lalo na sa mga bagong Grade 7 students, habang sila ay nagsisimula ng kanilang paglalakbay sa nasabing integrated school.

Base sa Department of Education (DepEd) Order No. 91 series of 1999, ang integrated school ay isang paaralan na pinagsasama ang elementarya at sekondaryang edukasyon sa iisang institusyon, para makagbigay ng tuloy-tuloy na landas ng pag-aaral mula sa mababang baitang hanggang sa mataas na paaralan at upang mapatatag ang madaling access sa edukasyon na tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan at lipunan lalo’t higit sa mga kabataan. — Marinduquenews.com

error: Content is protected !!