GASAN, Marinduque — Nananawagan ng awa at makataong pagtrato si Pastor Ricardo Macunat, konsehal ng bayan Gasan sa mga kawani ng Land Transportation Office (LTO) na kasalukuyang nagsasagawa ng malawakang checkpoint at operasyon sa lalawigan ng Marinduque.
Nag-ugat ang panawagan matapos mahuli at pagmultahin ng LTO nang halagang ₱12,010 si Macunat na lumabag umano sa isang batas trapiko, kamakailan.
Sa isang pahayag, ipinaabot ng konsehal ang kanyang saloobin bilang isang lingkod-bayan at concerned citizen ukol sa ginagawang paghuli ng mga tauhan ng LTO Regional Office sa mga sasakyang umano’y may paglabag sa batas.
Ayon sa kanya, marapat lamang na dumaan muna sa tamang proseso ang mga operatiba, kabilang ang paggalang at pakikipag-ugnayan sa tanggapan ng gobernador at mga alkalde ng bawat bayan bago magsagawa ng anumang operasyon.
Binatikos din ng konsehal ang umano’y kawalan ng maayos na batayan sa ilang mga paglabag. Kaniyang kinuwestyon ang paglalagay ng “unregistered” sa tiket ng mga motorista nang hindi muna tinitingnan ang Official Receipt (OR) at Certificate of Registration (CR). Aniya, kung walang maipakitang dokumento sa oras ng inspeksyon, ang nararapat na tala ay “un-carried OR/CR,” at hindi agad na ipagpalagay na hindi rehistrado ang sasakyan.
“Tama po bang ilagay sa violation na unregister kung hindi mo nakita ang official receipt (OR) at certificate of registration (CR) ng sasakyan kung naka-register o hindi? Bigyan n’yo po ako ng basis kung bakit unregister ang ilalagay n’yo sa violation. Ang alam ko, ang ilalagay ninyo ay uncarried OR CR,” wika ni Macunat.
Ipinahayag din ni Konsehal Macunat ang kanyang pagkadismaya sa tila kakulangan ng konsiderasyon ng mga operatiba sa mga mahihirap na motorista na umaasa lamang sa kanilang sasakyan para sa kabuhayan. Aniya, maraming mamamayan—lalo na sa bayan ng Gasan—ang napipilitang mangutang upang matubos ang kanilang nahuling motorsiklo o sasakyan. Sa halip na agarang mag-isyu ng tiket, hiniling niya na sana’y bigyan muna ng babala ang mga motorista, lalo na yaong first-time offenders.
“Wala po kayong awa sa mga taong nakikiusap sa inyo na walang maibayad na pangtubos. Sana po naman, bigyan n’yo muna ng warning bago n’yo tikitan. Wala kayong patawad, kawawa ang mga kababayan ko rito Marinduque,” pahayag ng konsehal.
Aniya sa ganitong sitwasyon, mas kailangan ang malasakit, ang puso para sa kapwa, at ang tunay na serbisyo-publiko kung saan sa huli ay umaasa siyang maririnig ang kanyang hinaing, at nawa’y mabigyan ito ng kaukulang aksyon upang mapanatili ang kaayusan, sabay sa pagkilala sa kalagayan lalo’t higit ng mga ordinaryong mamamayan. — Marinduquenews.com