Lalaki nahulog sa barko, nasagip ng mga mangingisda sa Marinduque

BUENAVISTA, Marinduque — Isang 40-anyos na lalaki mula sa Barangay Cajimos, Romblon, Romblon ang nasagip matapos mahulog mula sa sinasakyang barko habang nasa biyahe mula Talao-Talao Port sa Lucena City patungong Romblon.

Ayon sa ulat ng Buenavista Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), nakainom umano ang lalaki at nakatulog sa gilid ng barko. Pagkagising niya, napagtanto niyang nakalutang na s’ya sa gitna ng dagat.

Tinatayang nasa tatlong oras siyang palutang-lutang sa karagatan bago siya namataan at nasagip ng mga mangingisda sa Marinduque na sakay ng isang maliit na bangka.

Agad siyang dinala sa Barangay Daykitin sa Buenavista kung saan siya ay sinuri ng Rural Health Unit upang matiyak na nasa maayos siyang kalagayan. Ipinagbigay-alam na rin ang insidente sa mga kinauukulang ahensya para sa karampatang aksyon.

Sa kasalukuyan, pansamantalang nananatili ang lalaki sa tanggapan ng Buenavista MDRRMO habang inaayos ang kanyang pagbabalik sa Romblon sa tulong ng lokal na pamahalaan at ng kanyang pamilya. — Marinduquenews.com

error: Content is protected !!