BOAC, Marinduque — Nananawagan ang mga miyembro ng Marinduque Council for Environmental Concerns o MACEC na tanggapin na ng pamahalaang panlalawigan ang $100 milyon settlement agreement mula sa Barrick Gold Corporation – ang nakabili sa Placer Dome.
Anila, kailangan ng simulan ang rehabilitasyon ng Marcopper mining site sa lalong madaling panahon dahil sa nakaambang panganib na maaaring idulot nito sa buhay at kabuhayan ng mga mamamayan.
“Mga dam ng Marcopper asikasuhin, nakaambang panganib ay alisin,” mga katagang mababasa sa plakard.
Isinabay ang nasabing panawagan sa isinagawang Mining Hell Week na pinangunahan ng Alyansa Tigil Mina, kamakailan.
Matatandaan na nitong Oktubre 3 ay inaprubahan ng Court of Appeals ang naturang kasunduan na matapos suriin ng korte ay idineklarang naaayon sa batas at hindi salungat sa moralidad, mabuting kaugalian at pampublikong polisiya. — Marinduquenews.com