BOAC, Marinduque — Patuloy ang ipinapamalas na malasakit at serbisyo ni Marinduque Lone District Representative Reynaldo Salvacion sa mga mamamayan ng lalawigan, matapos maitala ang mahigit ₱12.2 milyon na kabuuang halaga ng tulong na naipagkaloob sa nasa 1,305 pamilyang Marinduqueño mula sa iba’t ibang programa ng kanyang tanggapan.
Batay sa ulat, umabot sa ₱5,775,751.25 ang hospital assistance para sa 80 pamilya na ginamot sa mga ospital tulad ng St. Anne, Mt. Carmel, at Lucena Doctors Hospital. Dagdag pa rito, ₱2,745,593.03 ang naibigay sa 27 pamilya na ginamot sa mga pambansang pagamutan tulad ng National Kidney and Transplant Institute, Philippine Heart Center, Philippine Orthopedic Center, Chinese General Hospital, at iba pang pribadong ospital.
Sa ilalim naman ng AKAP Program o Ayuda sa Kapos ang Kita Program, ₱3,492,000 ang ipinagkaloob sa 1,164 pamilya bilang direktang tulong pinansyal sa mga higit na nangangailangan. Bukod dito, ₱62,000 ang inilaan para sa burial assistance ng walong pamilya, at ₱141,500 naman ang para sa medical assistance ng 26 pamilya ngayong buwan.
Sa kabuuan, ₱12,216,844.28 ang naipaabot na tulong ng tanggapan ni Salvacion simula Setyembre hanggang Oktubre ngayong taon, sa pakikipagtulungan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay Cong. Salvacion, “Hangad ko ang isang Marinduque na walang naiiwan. Lahat ay may karamay, lahat ay may pag-asa.”
Ang mga programang ito ay patunay ng patuloy na serbisyong may puso at malasakit sa bawat Marinduqueño na isinusulong ng kongresista. — Marinduquenews.com