BOAC, Marinduque — Bilang pag-alala sa mga pangyayari noong 10 de Octubre at 1 de Noviembre 1897, idinaos kamakailan ang taunang “Paggunita sa mga Makasaysayang Pangyayari sa Lansangan ng Boac”, na layuning ipreserba ang alaala ng kabayanihan at sakripisyo ng mga Marinduqueño noong panahon ng rebolusyon.
Nagsimula ang programa sa pamamagitan ng isang banal na misa na pinangunahan ni Rev. Fr. Ian Retardo, Kura Paroko ng Boac. Pagkatapos ng misa, nagtungo ang mga kalahok sa Casa Real para sa isang talakayang pangkasaysayan kasama si Fr. Christian San Juan, na nagbigay ng panayam hinggil sa mga pangyayaring naganap sa Lansangang 10 de Octubre at 1 de Noviembre.
Sa naturang pagtitipon ay nagpahayag ng bating pagtanggap si Mayor Armi DC Carrion, kung saan sinabi ng alkalde na,”Ang araw na ito ay paalala na sa bawat lansangan, bawat sulok ng ating bayan, ay may kwento ng tapang, pagkakaisa, at pagmamahal sa Inang Bayan. Nawa’y patuloy nating buhayin ang apoy ng kanilang ipinaglaban — ang kalayaan at dignidad ng bawat Boakeño.”
Matapos ang talakayan, ipagkakaloob ang Gawad Pasasalamat kay Fr. San Juan bilang pagkilala sa kanyang ambag sa pagpapalaganap ng kasaysayan ng Boac habang nagbigay naman ng pangwakas na pananalita si Konsehal Alejnic Andrew Solomon.
Ayon sa saliksik ni Myke Magalang, ang 10 de Octubre 1897 ay naganap sa araw ng kapistahan ng Mahal na Birhen ng Santo Rosaryo, kung saan nangyari ang malagim na maramihang pagpatay sa mga bilanggong rebolusyunaryo. Muli namang nasubok ang tapang at damdaming makabayan ng mga Boakeño nang sumunod na 1 de Noviembre 1897, Araw ng mga Patay, nang muling maganap ang karahasang bumalot sa bayan.
Bilang pagtatapos ng paggunita, bandang 6:00 ng gabi, isinagawa ang Torch Parade na pinangunahan ng Kabalikat Civicom. Nagsimula ito sa sangandaan ng Brgy. Mataas na Bayan at Tampus, malapit sa entrada ng Cementerio de Tampus — na kilala rin bilang libingan ng mga “walang pangalang bayani” — at nagtapos sa Ilog ng Boac, simbolo ng pagdaloy ng kasaysayan at alaala ng mga nagbuwis ng buhay para sa bayan.
Ang taunang paggunita ay patunay ng patuloy na pagkilala ng mga Boakeño sa kanilang kasaysayan — isang paalala na ang kalayaan at kapayapaang tinatamasa ngayon ay bunga ng sakripisyo ng mga naunang henerasyon. — Marinduquenews.com