Mga ‘boy scout’ sa Marinduque, aktibong lumahok sa emergency preparedness training

BOAC, Marinduque — Nagsagawa ng emergency preparedness training at swimming activity para sa mga Boy Scouts of the Philippines (BSP)-Marinduque Council ang Philippine Coast Guard (PCG) katuwang ang Special Operations Unit-Southern Tagalog (SOU-STL), kamakailan.

Ang pagsasanay ay dinaluhan din ng mga senior at rover scout na ang ilan ay mga babae kung saan ay aktibong nakiisa ang mga ito sa lahat ng mga nakalatag na gawain.

Layunin ng aktibidad na palakasin ang kahandaan, kamalayan sa kaligtasan, at kakayahan ng mga kabataan sa panahon ng sakuna.

Sa pamamagitan ng mga ganitong pagsasanay, nais ng PCG at BSP na matutunan ng mga kabataan ang kasanayan at kaalaman upang magamit nila ito bilang aktibong tagapag-ambag sa kanilang barangay oras na magkaroon ng matinding pangangailangan o emergency.

Ang Boy Scouts of the Philippines ay isang pambansang organisasyong naghuhubog sa mga kabataang Pilipino para maging responsable at palaging handang maglingkod sa kapwa at pamayanan.

Binibigyan din nito ng diin ang kahalagahan ng disiplina, pagtataguyod ng inklusibidad at pagkakapantay-pantay ng kasarian sa loob ng organisasyon. — Marinduquenews.com

error: Content is protected !!