BOAC, Marinduque — Isa sa mga pangunahing geological feature ng lalawigan ay ang tinaguriang Central Marinduque Fault, isang aktibong fault line na may habang tinatayang 29.4 kilometro. Mula ito sa southwest na bahagi malapit sa Mt. Malindig at umaabot patungong northeast na direksyon ng isla kung saan kabilang dito ang mga bayan ng Boac, Buenavista, Mogpog, Sta. Cruz at Torrijos.
Batay sa datos ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), ang fault na ito ay maaaring magdulot ng pagyanig sakaling ito ay gumalaw. Ang pagkakaroon ng fault ay patunay na ang Marinduque ay bahagi ng isang aktibong tectonic zone sa bansa.
Maliban sa Central Marinduque Fault, may iba pang fault na naitala sa hilagang bahagi ng Sta. Cruz at sa karagatan ng Mompong Pass. Sa kanlurang bahagi naman ng isla, naroon ang Lubang Fault, na kapag nagkaroon ng malakas na lindol ay maaaring maramdaman sa malaking bahagi ng lalawigan.
Ayon sa PHIVOLCS FaultFinder, ang mga sumusunod na lugar sa Marinduque ang direktang nasa dinaraanan o malapit sa linya ng Central Marinduque Fault:
Bayan ng Boac
- Sa pangkalahatang direksyon ng Binunga, Ogbac, Mainit, Balagasan, Catubugan, Bamban, Balimbing, Boton, Tagwak, Agot at Apitong
- Sa direksyon ng Binunga, Canat, Boi at patungong Tugos
- Sa direksyon ng Bayuti, Sabong at Tambunan
Bayan ng Mogpog
- Sa pangkalahatang direksyon ng Capayang, Nangka II, Janagdong, Sibucao, at Danao
- Sa direksyon ng San Isidro, La Mesa, Aturan, Landy, Lipa, hanggang Mompong Pass
- Sa direksyon ng Pantayin, Baguidbirin at Matalaba
- Sa direksyon ng Dolores, Aturan, at Baliis
Bayan ng Buenavista
Sa pangkalahatang direksyon ng Sihi, Bagacay at Bicas-Bicas
Bayan ng Torrijos
- Sa direksyon ng Malibago at Talawan at sa paanan ng Mt. Malindig
Sa mapa ng PHIVOLCS, ang solidong pulang linya ay nangangahulugang “trace certain” o tiyak na dumaraan doon ang fault, samantalang ang pulang may tuldok (dotted line) ay nangangahulugang “trace approximate” — o tinatayang malapit lamang doon ang aktibong fault.
Kamakailan ay naitala ang mga paglindol sa iba’t ibang panig ng bansa kagaya ng sa Cebu at Davao Oriental kaya paalala ng mga eksperto na mahalagang maging handa at may sapat na kaalaman ang mga residente, lalo na ang mga nakatira sa mga lugar na direktang dinaraanan ng mga fault line.
Sa gitna ng patuloy na pananaliksik at pagmomonitor ng PHIVOLCS, nananatiling mahalaga ang pagtutulungan ng mga lokal na pamahalaan at mamamayan upang matiyak ang kaligtasan at kahandaan ng bawat Marinduqueño sakaling tumama ang isang malakas na pagyanig. — Marinduquenews.com
Halaw mula sa artikulong isinulat ni Eli J. Obligacion, July 10, 2017 (New data: Mga lugar na dinaraanan ng Central Marinduque Fault at iba pang fault sa isla)