BOAC, MARINDUQUE — Sa paglapit ng Kapaskuhan, abala ang mga Persons Deprived of Liberty (PDL) sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Boac District Jail sa paggawa ng makukulay na parol bilang bahagi ng kanilang programang pangkabuhayan.
Ayon kay Jail Officer 3 Joefrie Anglo, tagapagsalita ng BJMP Mimaropa, taon-taon nang isinasagawa ang ganitong gawain sa iba’t ibang piitan na pinangangasiwaan ng BJMP. Layunin nitong bigyan ng pagkakataon ang mga PDL na kumita, matugunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan, at masuportahan ang kanilang mga pamilya habang ipinagdiriwang ang Pasko.
“Bawat parol na kanilang ginagawa ay sumisimbolo ng pag-asa at liwanag para sa kanilang mga mahal sa buhay na nasa labas ng piitan,” ayon kay Anglo. “Nawa’y maging maganda ang bentahan ng kanilang mga parol upang maging masaya rin ang kanilang Pasko kasama ang pamilya.”
Bukod sa pagbibigay ng kabuhayan, layunin din ng inisyatibong ito na palaganapin ang pagkamalikhain ng mga PDL at ipaalala sa komunidad ang mensahe ng pagtubos, katatagan, at patuloy na pag-asa na hatid ng diwa ng Kapaskuhan. — Marinduquenews.com