Probinsya ng Marinduque, nanatiling mapayapa sa taong 2024

BOAC, Marinduque — “Nananatiling maayos at mapayapa ang buong lalawigan ng Marinduque”, ito ang malugod na ipinahayag ng provincial director ng Marinduque Police Provincial Office (MPPO) na si Police Colonel Arthur A. Salida, kamakailan.

Sa panayam kay Salida, kanyang sinabi na kung ihahambing ang datos sa huling quarter mula Setyembre hanggang Disyembre 2023 na nakapagtala ng 167 total crime incidents (TCI), ngayong Setyembre hanggang Disyembre 2024 ay bumaba ito sa 84 TCI o may katumbas na 46.70 porsiyento.

Dagdag ni Salida, sa hanay ng peace and order indicator (POI) naman ay nasa 128 noong Setyembre hanggang Disyembre 2023 habang nasa 51 lamang na may 60.16 porsiyento sa kaparehong panahon ngayong taon.

Samantala, sa bahagi ng index crimes kung saan kabilang ang homicide, rape, robbery at mga malubhang kaso ay na nasa 13 kaso noong Setyembre-Disyembre 2023 ang naitala. Tumaas ito sa 14 o umakyat ng 7.69 porsiyento sa kaparehas na panahon ngayon taon.

Ayon pa sa talaan ng Marinduque Police Provincial Office, mataas ang bilang ng krimen tuwing araw ng Sabado at Linggo kumpara tuwing Lunes hanggang Biyernes.

Mataas ang insidente ng krimen sa bayan ng Boac na may walo noong Setyembre-Disyembre 15, 2024, sumunod naman ang bayan ng Buenavista na may tatlo, Mogpog ay may isang krimen, Santa Cruz ay dalawa, habang sa mga bayan ng Gasan at Torrijos ay walang naitalang krimen, ayon kay Salida. (DN/PIA MIMAROPA-Marinduque)

error: Content is protected !!