BOAC, Marinduque — Upang mas maunawaan ang kalagayan ng mga magsasaka at mangingisda sa probinsya, isinasagawa ngayon ng Provincial Agriculture Office ang isang Agricultural Products Market Survey sa anim na bayan ng Marinduque.
Ang survey ay naglalayong tukuyin ang mga pangunahing pangangailangan, hamon at oportunidad sa merkado ng agrikultura sa lalawigan. Layunin din nito na makabuo ng mga angkop na proyekto at programa na direktang makatutulong sa mga magsasaka at mangingisda.
Base sa pahayag ng Provincial Agriculture Office, ang resulta ng survey ay magsisilbing batayan para sa pagbabalangkas ng mga konkretong plano na naglalayong mapabuti ang kita at kabuhayan ng mga kababayan sa sektor ng agrikultura.
Hinimok din ang publiko na makiisa sa isinagawang survey dahil ang kanilang pakikipagtulungan ay mahalagang ambag sa patuloy na pag-unlad ng pagsasaka at pangingisda sa probinsya. — Marinduquenews.com