TORRIJOS, Marinduque — Pormal nang iprinoklama nitong Lunes, Mayo 19 ng Commission on Elections (Comelec), na tumatayong National Board of Canvassers (NBOC), ang Pusong Pinoy na isa sa mga nanalong party-list sa katatapos lamang na May 12 midterm polls.
Base sa opisyal na tala ng Comelec, nakakuha ang Pusong Pinoy Partylist ng isang pwesto na may kabuuang boto na 266,623 kungsaan ang pinakamalaking boto ay nagmula sa Bataan na nakapagtala ng 215,289 sinundan ng lalawigan ng Marinduque na mayroong 23,964 habang ang natitirang boto ay nagbuhat sa iba’t ibang probinsya at siyudad sa bansa.
Mananatiling kinatawan ng Pusong Pinoy sa Mababang Kapulungan ng Kongreso o sa papasok na 20th Congress si Jernie Jett V. Nisay na labis-labis ang pasasalamat sa mga Pilipino na patuloy na sumuporta at bomoto sa naturang party-list.
“Sa muling pagtitiwala ninyo sa Pusong Pinoy Partylist na makapasok ngayong 20th Congress, lubos na kagalakan, buong kababaang loob at buong pusong pagpapasalamat ang nais kong ipaabot sa 266,623 na sumuporta sa ating party-list,” pahayag ni Nisay.
Dagdag pa ng kongresista, “Nawa sa nagdaang isang buong termino nating naluklok ay naipakita at naipadama sa inyo ng Pusong Pinoy ang pagseserbisyo para sa bawat pamilya lalo na sa mga may sakit at higit na nangangailangan.”
Siniguro naman ng mambabatas na ipagpapatuloy ng Pusong Pinoy ang mas tapat at mas mahusay na pagseserbisyo upang mas maiangat ang kalidad ng buhay at pamumuhay ng mga Pilipino kasabay ang patuloy na pagsusulong at pagpapanukala ng mga batas at programang may kaugnayan sa kalusugan, edukasyon, kabuhayan at kaunlaran ng bawat sektor ng Pamilyang Pilipino. — Marinduquenews.com